Koronadal City -Magtatapos na ang tatlong araw na kauna-unahang K4 National Convention ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na sinimulan noong nakalipas na Martes, Hunyo beinte-uno sa DENR XII function hall, lungsod Koronadal.
Humigit kumulang sa animnapung (60) opisyal at permanent kawani ng DENR sa ibat't ibang rehiyon ng bansa ang dumalo sa naturang pagtitipon. Ang K4 ay nangangahulugan ng "Kalipunan ng mga Kawani sa Kagawaran ng Kalikasan".
Nagpahayag naman ng suporta si DENR XII Regional Executive Director Alfredo S. Pascual upang maging matagumpay ang K4 sa mga layunin at programa nito.
Samantala, sinabi rin ni K4 National President Atty Camilo Garcia na kailangan ang pakikipagtulungan at pagkakaisa nang sa gayon ay maging matatag ang relasyon at transaksyon ng DENR Management at ng employees union.
Kaugnay pa rin sa gawain ng K4 National Convention, tumungo ang mga kalahok sa Lake Sebu, lalawigan ng Cotabato upang magtanim ng punong-kahoy. Ito ay pagtalima sa implementasyon ng National Greening Program (NGP) sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Aquino. Ang grupo ay magsasagawa rin ng Adopt-a- barangay Tree Planting Growing Project alinsunod sa National Greening Program sa buong kapuluan. Ang tema ng pagtitipon ay "Pagkakaisa para sa Kalikasan at Kalipunan". |
No comments:
Post a Comment